Bloggera Filipina

Indarapatra at Sulayman

In Filipino epics, Pre-colonial and Colonial Times on October 22, 2009 at 4:36 am

Salin ni Bartolome del Valle

(Synopsis )

Nang unang panahon ayon sa alamat, ang pulong Mindanaw ay wala ni kahit munting kapatagan. Pawang kabundukan ang tinatahanan ng maraming taong doo’y namumuhay. Maligaya sila sapagkat sagana sa likas na yaman.

Subalit ang lagim ay biglang dumating sa kanila na dati’y payapa.Apat na halimaw ang doo’y nanalot. Una’y si Kurita na maraming paa at ganid na hayop pagka’t sa pagkain kahit limang tao’y kayang nauubos.

Ang bundok Matutum ay tinirhan naman ng isang halimaw na may mukhang tao na nakakatakot kung ito’y mamasdan, ang sino mang tao na kanyang mahuli’y agad nilalapang at ang laman nito’y kanyang kinakain na walang anuman.

Ang ikatlo’y si Pah na ibong malaki. Pag ito’y lumipad ang bundok ng Bita ay napadilim niyong kanyang pakpak. Ang lahat ng tao’y sa kuweba tumatahan upang makaligtas. Sa salot na itong may matang malinaw at kukong matalas.

Ang bundok Kurayang pinanahanan ng maraming tao ay pinapaglagim ng isa pang ibong may pito ang ulo; walang makaligtas sa bagsik ng kanyang matalas na kuko pagkat maaaring kanyang natatanaw ang lahat ng tao.

Ang kalagim-lagim na kinasapitan ng pulong Mindanaw ay nagdulot-lungkot sa maraming baya’t mga kaharian; si Indarapatra na haring mabait, dakila’t marangal ay agad na nag-utos sa kanyang kapatid na prinsipeng mahal.

Prinsipe Sulayman, ako’y sumasamo ng inyong iligtas ang maraming taong nangangailangan ng tulong mo’t habag”

“O mahal na hari na aking kapatid, ngayon din lilipad at maghihiganti sa mga halimaw ang talim ng tabak.”

Binigyan ng isang singsing at isang ispada ang kanyang kapatid upang sandatahin sa pakikibaka. Kanyang isinasabit sa munting bintana ang isang halaman at saka nagsulit:

“Ang halamang ito’s siyang magsasabi ng iyong nasapit.”

Nang siya’y dumating sa tuktok ng bundok na pinaghaharian nitong si Kurita, siya ay nagmasid at kanyang natunghan ang maraming nayong walang kahit isang taong tumatahan.

“Ikaw magbabayad, mabangis na hayop!” yaong kanyang wika.

Di pa nagtatagal ang kanyang sinabi, nagimbal ang bundok at biglang lumabas itong si Kuritang sa puso’y may poot. Sila ay nagbaka at hindi tumigil hanggang sa malagot ang tangang hiningi niyong si Kuritang sa lupa ay salot.

Tumatag ang puso nitong si Sulayman sa kanyang Tagumpay kaya’t sa Matutum, ang hinanap naman ay si Tarabusaw; sa tuktok ng bundok ang kanyang namalas ang nakahahambal na mga tanawin:

“Ngayon di’y lumabas nag ika”y mamatay.”

Noon di’y nahawi ang maraming puno sa gilid ng bundok at ilang saglit pa’y nagkaharap silang puso’y nagpupuyos. Yaong si Sulayma’y may hawak na tabak na pinag-uulos. Ang kay Tarabusaw na sandata nama-sangang panghamablos.

At sa paghahamok ng dalawang iyong balita sa tapang, ang ganid na hayop sa malaking pagod ay napahandusay.

“Ang takdang oras mo ngayo’y dumating na,” sigaw ni Sulayman at saka sinaksak ng kanyang sandata ang pusong halimaw.

Noon di’y nilipad niyong si Sulayman ang bundok ng Bita. Siya’y nanlumo pagkat ang tahanan sa tao ay ulila; ilang sandali pa ay biglang nagdilim gayon maaga pa at kanyang natantong ang kalabang ibon ay dumarating na.

Bird_Monster_by_shellypants (deviantart.net)

Bird_Monster_by_shellypants (deviantart.net)

Siya ay lumundag at kanyang tianga ang pakpak ng ibon datapwa’t siya ring ang sinmang-palad na bagsakan niyon; sa bigat ng pakpak, ang katawan niya’y sa lupa bumaon kaya’t si Sulayman noon ay nalibing na walang kabaong.

Ang kasawiang ito ay agad nabatid ng mahal na hari pagkat ang halaman noon di’y nalanta’t sanga ay nangabali:

“Siya ay patay na!” ang sigaw ng kanyang namumutlang labi,

“Ang kamatayan mo’y ipaghihiganti buhay ma’y masawi.”

Nang siya’y dumating sa bundok ng Bita ay kanyang binuhat ang pakpak ng ibon. Ang katawang pipi ay kanyang namalas. Nahabag sa kanya ang kanyang bathala; biglang nagliwanag at ilang saglit pa ay nakita niya ang tubig na lunas.

Kanyang ibinuhos ang tubig na yaon sa lugaming bangkay at laking himala. Ang kanyang kapatid ay dagling nabuhay. Sila ay nagyakap sa gitna ng galak at ng katuwaan, saka pinauwi itong si Sulayman sa sariling bayan.

Sa bundok ng Kurayan ang kanyang sinapit ay agad hinanap ang ibong sa tao’y nagbibigay lagim a nagpapahirap. Dumating ang ibong kay laki ng ulo at ang kuko-matalas. Subalit ang kalis ni Indarapatra’y nagwagi sa wakas.

Sa kanyang tagumpay may isang diwatang bumating magalang:

“Salamat sa iyo butihing bayani na upd ng tapang, kaming mga labi ng ibong gahaman ngayo’y mabubuhay.”

At kanyang namalas ng maraming taong noo’y nagdiriwang.

Nabihag ang puso ng mahal na hari sa ganda ng mutya kaya’t sa naroon ay kanyang hiniling na lakip ng sumpa na sila’y ikasal. Noon di’y binuklod ng adhika ang kanilang puso,

“Mabuhay ang hari!” ang sigaw ng madla.

Ang tubig ng dagat ay tila hinigop sa kailaliman at muling lumitaw ang lawak ng lupang pawang kapatagan; si Indarapatra’y hindi na bumalik sa sariling bayan at dito naghari sa mayamang lupa ng pulong Mindanaw.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: